Noong nakaraang June 19, 2011 ay magka-sabay na nagdiwang ng kaarawan ang ating pambansang bayani na si Gat Jose Rizal at ang ating butihing Kapitan Joselito “Joey” Calderon. Idinaos ang espesyal na araw na ito sa pamamagitan ng isang buong-araw na activity na may temang “I am Rizal: Rekindling Heroism Through Volunteerism”. Nais ni Kapitan Joey na kagaya ng ginawang kadakilaan ng ating bayaning si Rizal, ay magpakita din ng ating mga kababayan ang parehong kadakilaan at pagkabayani sa pamamagitan ng pag-vovolunteer sa araw na ito. Ito ay nangyari sa Brgy. Sta. Ana Covered Court, Brgy. Sta. Ana Taytay, Rizal. Nahati sa dalawang programa ang araw na iyon, series of medical mission sa umaga at volunteers night naman sa gabi.
Mas ninais ni Kapitan na magdiwang siya ng kanyang kaarawan na kasama ang kanyang mga kababayan kaya naglunsad siya ng mga activity na aagapay sa kalusugan ng kanyang mga mamamayan.Nagkaroon ng medical, dental, optical missions, reflexology at blood donation campaign na dinaluhan naman ng marami nating kababayan. Kaagapay ng ilang government at private partners at mga volunteer staff, hindi lang taga-Sta. Ana ang nabigyan ng tulong medical pati na rin ang mga kababayan natin sa ibang barangay. Malugod na nagpakita ng suporta ang Red Cross-Rizal Chapter, 1-Utak Partylist, Armed Forces of the Philippines sa pangunguna ni Col. Andres Ferrer at mga pribadong doktor at dentista. Nag-donate din ng mga gamot si Cong. Joel Duavit at ang Philippine Charity and Sweepstakes Office para mas makatugon sa pangangailangang medikal ng bawat isa. Nagsilbi namang manpower ang SK ng Sta. Ana, staff ng Barangay at ang Angat Taytay Movement.
Mahigit 120 ang natulungan sa kanilang problema sa kalusugan at nabigyan ng libreng gamot sa tulong ng mga doktor at magigiting na sundalo mula sa ating AFP. 120 ang nabunutan o natignan ang ngipin dahil sa mga volunteer dentist. 50 ang na-check-up ang mga mata sa pakiki-isa ng mga doktor na mula naman sa 1-Utak Partylist. Mahigit 70 ang nabigyan ng relaxing massage dahil na rin sa mga taga-Damayan. at 50 na mga bagong bayani ang nag-alay ng kanilang mga dugo para sa kapwa na pinangunahan ng Red Cross-Rizal. Sa kabuuan, naging matagumpay ang umagang iyon at nangako si Kap Joey na hindi ito ang huling pagkakataon na magkakaroon ng ganitong event.
Bilang ganti sa mga nagpakadakila at nagbigay ng kanilang oras sa araw na iyon, minabuti ni Kapitan Calderon na magkaroon ng isang piging sa gabi ng araw din na iyon. Tinawag itong Volunteers’ Night kung saan, ang lahat ng nag-volunteer, pati na rin iyong mga nag-donate ng dugo ay nabigyan ng libreng pagkain at na-entertain sa nakahandang palabas.
Naging masaya ang lahat ng nagsipag-dalo sa tugtugan ng mga banda at sa napaka-husay na pag-awit ni Excel Enriquez, ang 5-weeks na nagwagi sa Talentadong Pinoy at ng kanyang anak na si Chino. Nagpasikat din si Sean Perez, ang Yo-yo Master ng ating Bayan at kauna-unahang Barangay Got Talent Winner. Hindi rin nagpahuli ang mga ka-barangay natin na nagpakita ng pagmamahal nila kay Kap Joey sa pamamagitan ng pag-aalay ng talento nila sa pagsa-sayaw.
Naging masaya at makabuluhan ang selebrasyon ng kaarawan ni Jose Rizal at ng ating Kapitan Joselito Calderon. Pinatunayan lamang ng araw na iyon na hindi mo kailangang mamatay para sa bayan para maging bayani. Minsan, ang maliit na gawain ay nagpapakita na ng parehong kabayanihan at kadakilaan ng ating pambansang bayani, Gat Jose Rizal. Patunay din na kung may pagtutulungan at pagkakaisa ang bawat sektor ng lipunan ay mapagtatagumpayan ang lahat ng proyekto na makatutulong sa mas nakararami.
No comments:
Post a Comment