"Serbisyong Makatao, Barangay na Makabago"

Monday, April 1, 2013

Bagong Extension Hall Building sa Lupang Arenda, Pina-Sinayaan

Lupang Arenda Extension Hall
Kamakailan ay pormal na pina-sinayaan ang bagong tayong Barangay Extension Hall sa lugar ng Lupang Arenda, Barangay Sta. Ana, Taytay, Rizal.

Kasabay ng flag ceremony ng mga empleyado at opisyales ng Pamahalaang Barangay na ginaganap tuwing unang Lunes ng buwan, pormal na binuksan ang naturang gusali sa pamamagitan ng isang Ribbon Cutting at Blessing Ceremony, sinundan ng solidarity messages ng mga kagawad at ni Punong Barangay Joselito Calderon.

Ang bagong gusali ay simbolo lamang ng taus-pusong paglilingkod ng Sangguniang Barangay ng Sta. Ana lalo na para sa mga taga-Lupang Arenda, partikular na sa pagbibigay ng basic services sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tanggapan na malapit sa lugar ng bawat mamayan.  Ang gusaling mayroong limang (5) silid ay isa lamang patunay na ang bawat buwis na ibinibigay ng bawat mamayan ng barangay na ito ay naibabalik sa pamamagitan ng tapat na serbisyo na na-aayon sa pangangailangan ng ating ka-barangay.

Kasalukuyan, ang mga silid sa ibabang bahagi ng gusali ay kumakanlong sa dalawang mahahalagang opisina na gumaganap sa kanilang tungkulin para sa kapakanan ng taga-Lupang Arenda: ang Clerk Office at ang Barangay Informal Settlers Affairs Office o BISAO na siya ring Department of the Month para sa Buwan ng Marso 2013.  

Ang renovation ng Lupang Arenda Extension Hall ay simula lang ng mas marami pang proyektong pang-inprastraktura ng Pamahalaan Barangay.  Kamakailan lang ay binendisyunan ang bagong ayos na gusali sa Exodus Floodway, isang linggo lang ang lumipas ay sabay na pina-sinayaan din ang Purok Extension Hall ng Ilang-ilang at ang pagsasa-ayos ng isang gusali sa Barangay Hall Central.    Kasalukuyan ding tina-tapos ang pagsasa-ayos ng Purok Hall sa Purok 8 Bagong Pag-Asa sa Floodway.  


Thursday, February 28, 2013

Barangay Sta . Ana, Ka-isa sa Pagunita ng Fire Prevention Month 2013

Ang pagpasok ng unang araw ng Marso ay hudyat din ng pagpasok ng unang araw ng Fire Prevention Month na taunang ginugunita sa buong bansa.  Layunin nito na mapalaganap ang kahalagahan ng palagiang handa sa mga sunog na maaaring sumira sa mga ari-arian at kumitil ng buhay lalo na't ang buwan na ito ay ang hudyat ng pagpasok ng panahon ng tag-init, dahila para mas lumakas ang kunsumo ng tao ng kuryente na maaaring pagmulan ng sunog.

Ang tema ngayong Fire Prevention Month ay "Sunog at Sakuna Paghandaan, Kalikasan ay Pangalagaan Nang Matamasa ang Pag-unlad ng Bayan" ay tugma sa ilang programa at proyekto ng Barangay Sta. Ana na may kinalaman sa paghahanda sa mga sakuna at pangangalaga ng ating inang kalikasan.  Ilan lamang dito ang patuloy na pagkakaroon ng seminar patungkol sa Disaster Management na kailan lamang ay inilunsad sa Lupang Arenda Extension Hall sa pakikipag-tulungan ng IDRN, at ang patuloy na pagsasa-buhay ng Maningning Creek at mga tree planting activities.

Alam ng Pamahalaang Barangay ng Sta. Ana ang kahalagahan ng palaging handa ng ating mamayan lalo na ng kanilang Barangay Fire Department.  Ilang hakbang ang inilulunsad ng nasabing departamento para mapanatili ang kaligtasan ng buong pamayanan sa sakuna partikular na sa sunog.  Isa na dito ang regular na paglilipat ng ating fire truck sa mga lugar ng Lupang Arenda, Floodway at Central para sa agad na pagresponde sakaling dumating ang sakuna at para na din makausap ang mga lider ng bawat Purok at maipa-alala ang mga kahahalagan ng palaging handa sa sunog at kung ano ang dapat gawin tuwing magkakaroon nito.

Napag-usapan din sa isang session ng Sangguniang Barangay ng Sta. Ana sa pangunguna ni Punong Barangay Joselito "Joey" Calderon kasama ang mga kagawad na nagtatalaga ng pondo para sa pagbili ng isang water tanker na magsisilbing reserba ng ating fire truck sakaling mauubusan ito ng tubig sa oras na may responde sa sunog.  Ang water tanker ay kasabay na reresponde ng fire truck at magiging bahagi ng fire emergency vehicle.

Ano man ang kahandaan, programa o proyekto ang gawin ng pamahalaan, nasa taumbayan pa din nakasalalay ang pag-iingat para maiwasan ang sunog at ang paghahanda ng kani-kanilang pamilya para mas maging tagumpay ang layunin ng bawat isa na pagiging ligtas ng lahat sa mapaminsalang sunog.

Para sa mga tips kung paano makaka-iwas sa sunog at kung ano ang dapat gawin sakaling dumating ito:

Monday, February 25, 2013

Barangay Sta. Ana: Protektado ng CCTV System

CCTV System ng Barangay Sta. Ana
Bilang bahagi ng mas pina-igting na kampanya ng Pamahalaang Barangay ng Sta. Ana sa kanilang peace and order program, nagpa-kabit ito ng Close Circuit Television System (CCTV) na naka-pwesto sa kalakhang bahagi ng poblacion area.

Laganap ngayon ang iba't-ibang klaseng krimen na maaaring makapahamak sa kahit sino kahit sila man ay nasa labas ng kalsada o sa loob ng kani-kanilang tahanan.  Talamak ang riding-in-tandem na kung saan ay may mga masasamang loob na nakasakay sa motor suot ang kanilang tinted helmet na nangho-holdap o nang-loloob sa mga bahay-bahay.  Layunin ng pagkakaroon ng CCTV system na mas patindihin pa ang seguridad ng buong pamayanan laban sa mga masasamang loob.  Agad ding gumawa ng aksyon ang Sangguniang Barangay ng Sta. Ana sa pangunguna ni PB Joselito Calderon at mga kagawad sa pamumuno naman ni Committee Chairman on Peace and Order, Kagawad Eduardo Geremillo para gumawa ng ordinansang nagbabawal sa mga motorista na takpan ang kanilang mukha ng mga salamin ng kanilang helmet para maiwasan ang ganitong uri ng krimen.

Marami ng kaso at krimen ang nasaksihan ng walong (8) CCTV cameras  na naka-pwesto sa mga vital areas mula ng ito ay naikabit noong nakaraang taon.  Mula sa eksena ng riot ng mga kabataan, pam-bubugbog ng mister sa kanyang asawa hangang sa panghoholdap ng isang binatilyo sa isang babae, nakatulong ng husto ang mga video na 24/7 ay kumukuha ng impormasyon para masolusyunan ang mga nasabing krimen.

Nagamit din ang CCTV para mabantayan ang mga sakuna gaya ng baha na problema ng ating barangay mula pa noong 60's.  Agad-agad ay nakakapag-issue ng report at announcement ang Barangay Sta. Ana sa mga mamayan sa pamamagitan ng public announcement o social media sites gaya ng Facebook at Twitter at agad na naipababatid ang epekto ng pagbaha.


Naka-schedule ngayong taon ang pagdadagdag pa ng mga CCTV cameras sa iba pang lugar ng Barangay Sta. Ana lalo na sa lugar ng Floodway at Lupang Arenda.  Makaka-asa ang mga taga-barangay na gagampanan ng Pamahalaang Barangay ng Sta. Ana ang kanilang tungkulin para protektahan ang kanilang nasasakupan pati na rin ang kanilang ari-arian. AMB

CCTV System ng Barangay Sta. Ana

Sunday, February 24, 2013

Barangay Sta. Ana, Lumahok sa Taunang HAMAKA Civic Parade 2013

Photo of Isaiah Geremillo
Kamakailan ay lumahok ang ating Barangay Sta, Ana sa taunang parada ng bayan na ginaganap tuwing buwan ng Pebrero bilang selebrasyong ng pista ng Bayan ng Taytay, ang HAMAKA Festival.  Ito ay ginanap noong Pebrero 16, 2013, kung saan ay naipakita ng Barangay Sta. Ana kung ano ang mayroon sa ating Barangay at sinu-sino ang mga nakapaloob dito.

Dinaluhan ng humigit-kumulang isang libong delgado mula sa mga empleyado at pinuno ng Barangay, mga NGO's, PO's at paaralan na nakapaloob sa nasabing Barangay.  Pinangunahan ni Punong Barangay Joselito Calderon kasama ang mga kagawad ng barangay, siniguro ng Sanggunian na maganda at well-represented and buong delegasyon ng Sta. Ana.

Ang Antonio C. Esguerra Memorial National High School, Benjamin B. Esguerra Memorial National High School, Sta. Ana Elementary School at Tree of Life Learning Center ay nakilahok sa nasabing parada at ipinakita ang kanilang talento at at sa kung ano ang mayroon sa kanila. Sumama ang kani-kanilang drum and lyre, CAT ng dalawang high schools pati na rin ang mga nagagandahang muses as escorts ng mga paaralan.

Ilang organisasyon naman ang nagpakita ng suporta sa pamamagitan ng pagpapadala ng kani-kanila nilang representante na kakatawan sa kanila sa nasabing parada.  Ang Pag-asa Youth Voluteer, Tanod ng Kalusugan, Reserved Army ng Sta. Ana, Barangay Sta. Ana Tricycle Operators and Drivers Association Federation (BSATODAF), ang lagiang katuwang ng Pamahalaang Barangay Sta. Ana sa kanilang programa, ang Lingap Buhay, Inc., at ang youth organization ng Sta. Ana na National Winner ng prestihiyosong Ten Accomplished Youth Organization 2012, ang Angat Kabataan ay ilan lamang sa mga NGO's at PO's na naki-isa sa civic parade.

Kasama din ang 2012 Lakan at Lakambini ng Sta. Ana title holders na umikot sa kabayanan ng Taytay sakay sa isa sa mga official floats na pinalibutan ng mga buho ng kawayan.  Ang isa namang float ay may replika ng trophy ng TAYO Awards para maipakita sa mga mamayan naging tagumpay ng paglilinis at muling pagbuhay ng Maningning Creek.

Salamat sa pakiki-isa ng lahat na lumahok sa taunang civic parade, naipakita at naipamalas ng bawat delegado ang kultura, tradisyon at ang pagkaka-isa ng bawat Taytayeno. AMB